Ospital ng Muntinlupa (OsMun), nanawagan sa publiko na humanap muna ng ibang ospital para sa emergency cases dahil nananatiling nasa “full capacity” ang dami ng kanilang mga pasyente.
Sa abiso ng OsMun, nasa 166% ang kanilang kasalukuyang occupancy rate, lagpas sa regular na bed capacity ng ospital dahil sa dami ng pasyenteng kasalukuyang kanilang inaalagaan.
Dahil dito, hinihikayat ng OsMun ang publiko na, kung maaari, ay ikonsidera muna ang ibang ospital o emergency facilities na maaaring magbigay ng kinakailangang atensyong medikal, lalo na para sa mga emergency cases.
Noong Agosto 24, una nang nag-abiso ang OsMun na nasa “full capacity” na ang kanilang pasilidad matapos okupahan ng mga pasyente ang lahat ng available na kama sa emergency room at hospital wards.
Matatandaang ilang ospital din sa Metro Manila ang nagdeklara ng full bed capacity dahil sa pagdami ng mga kaso ng leptospirosis, kaya naman hinihikayat ang publiko na ikonsidera ang ibang health facilities upang maiwasan ang pagsisiksikan ng mga pasyente sa iisang ospital.
Samantala, activated na rin ng Department of Health (DOH) ang Leptospirosis Lane para mapabilis ang pagtugon sa mga pasyenteng nangangailangan ng atensyong medikal. May referral system din upang matulungan ang mga pasyente na mahanapan ng angkop na pasilidad at maiwasan ang pagdagsa sa iisang ospital.