Magkaiba ang pangangailangan sa pagkagamit ng alyas noon ng mga bayani, sa paggamit ng alyas ng umano’y mga informant na binayaran ng Office of the Vice President (OVP), gamit ang Confidential Fund ng OVP.
Reaksyon ito ni Communications Undersecretary Claire Castro nang tanungin kung katanggap-tanggap ba ang paghahalintulad ni Senator Robin Padilla sa mga bayani noon na gumamit ng alyas, sa mga pangalang kinukwestyon sa Confidental Fund ng tanggapan ni VP Sara.
Ayon kay Castro, kaya naman gumagamit ng alyas ang mga bayani noon, ay dahil lumalaban ang mga ito para sa bayan, kung saan buhay mismo nila ang kanilang ibinu-buwis.
Habang ang mga alyas sa resibo ng OVP, o iyong mga sinasabing informant, hindi aniya kikilos nang walang bayad.
Bukod dito, ang mga bayani noon, kahit na gumagamit ng alyas, alam ng lahat na totoong tao. Taliwas sa mga pangalan sa resibo ng OVP, na walang kasiguraduhan ang pangkakakilanlan o kung gawa-gawa lamang.
Kaugnay nito, sinabi ni Castro na hindi nila huhusgahan si Padilla, dahil karapatan nitong magpahayag.
Gayunpaman, kailangan aniyang maipakita sa taongbayan ang buong katotohanan, upang hindi maligaw o malito ang mga kabataan sa tunay na mga bayani ng bansa at sa mga nagpapanggap lamang.