Pinag-iingat ng Philippine National Police — Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang publiko sa mga binibiling mantika o cooking oil sa merkado.
Ito’y makaraang masabat ng mga awtoridad ang nasa ₱2.4 na milyong halaga ng mga hindi rehistradong mantika sa ikinasang operasyon sa Nabua, Camarines Sur kamakalawa.
Katuwang ng CIDG sa naturang operasyon ang mga tauhan ng Food and Drugs Administration (FDA).
Nagresulta ito sa pagkaka-aresto ng limang indibidwal at pagkakakumpiska ng nasa 75 kilo ng palm oil gayundin ng mahigit 56 na litro nito.
Mayroon pang isang pinaghahanap ayon sa CIDG na kabilang din sa mga sasampahan nila ng reklamong paglabag sa Republic Act 9711 o ang Food and Drug Administration Act of 2009.
Ayon naman sa CIDG, patuloy ang kanilang kampaniya kontra sa mga produktong iligal na ibinebenta sa publiko upang hindi na makapaminsala pa sa kalusugan.

