LUNGSOD NG MAKATI, 28 Agosto 2026—Kasunod ng malaking pag-unlad sa pagbasa noong School Year (SY) 2025–2026, kung saan nabawasan ng 4.5 milyon ang mga mag-aaral na nahihirapang magbasa at nasa 2.5 milyong mag-aaral ang umabot sa tamang antas para sa kanilang baitang, isinusulong ngayon ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatibay sa pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program batay sa resulta ng isang bagong independent impact evaluation.
Ang ebalwasyon na isinagawa ng Youth Impact—isang pandaigdigang non-profit na dalubhasa sa evidence-based programming at ebalwasyon—katuwang ang World Bank, ay nagbibigay ng mga bagong ebidensya sa naging ambag ng ARAL sa pag-unlad ng pagbasa noong nakaraang school year.
Matapos isaalang-alang ang inaasahang pag-unlad sa pag-aaral sa loob ng isang taong panuruan nang walang ARAL, tinatantya ng mga evaluator ang 9 percentage-point na pagbaba sa bilang ng mga mag-aaral na nahihirapang magbasa—na epektibong nag-ahon sa karagdagang humigit-kumulang 1.37 milyong bata mula sa pinakamababang antas ng pagbasa.
Natuklasan din sa ebalwasyon ang 4.8 percentage-point na pagtaas sa antas ng kahusayan sa pagbasa sa tamang baitang, na katumbas ng tinatayang 730,000 karagdagang mag-aaral na nakatugon sa pamantayang ito.
Binigyang-diin ng mga evaluator na ang mga positibong resultang ito ay pare-parehong nakita sa lahat ng rehiyon.
Ipinapakita ng mga resulta ang maagang tagumpay ng pambansang pagpapatupad ng ARAL, na nagpapahiwatig ng malakas na potensyal para sa higit pang pag-unlad habang pinapahusay ang mga sistema ng pagpapatupad.
Upang mapalawig ang paunang tagumpay na ito, inirekomenda ng Youth Impact sa DepEd na patatagin ang ARAL Program sa pamamagitan ng paglalaan ng nakatutok na oras sa klase para sa batayang literasiya, pagpapabuti sa pagpapangkat ng mga mag-aaral batay sa antas ng kanilang kakayahan, at paglilipat ng field monitoring tungo sa direktang paggabay (coaching) sa mga guro sa halip na sa mga gawaing pang-administratibo.
Binigyang-diin din sa ulat ang paggamit sa mga data system ng DepEd upang mabilis na maiparating ang tulong sa mga paaralan at lugar na nangangailangan nito.
“Learning recovery is not a one-off campaign—it is a commitment to building a resilient educational core,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.
“Through the continued partnership of our teachers, tutors, and local communities, we are turning policy into real, measurable opportunities for every Filipino child. We will continue to refine these interventions to ensure early gains carry through to higher grade levels,” dagdag pa ni Angara.
Iniuugnay ng ulat ang tagumpay ng ARAL sa pangunahing pamamaraan nito: ang pagpapangkat sa mga mag-aaral batay sa kanilang tunay na antas ng kakayahan sa halip na sa edad, pagsubaybay sa kanilang pag-unlad, direktang pagtuturo at paggabay sa mga guro, at paghahatid ng tulong sa mga paaralang nahihirapan.
Sinabi ni Secretary Angara na kinukumpirma ng mga resulta ang bisa ng mga nakatutok at batay-sa-ebidensyang interbensyon sa pag-aaral.
“When we passed the ARAL law, our goal was simple yet urgent: to ensure no learner is left behind simply because they needed more time or a different approach to master reading,” ayon kay Angara. “With President Bongbong Marcos’ strong commitment to education reform, we are building a system where foundational reading support leads to lasting success.”
Naitatag sa ilalim ng Republic Act No. 12028, ang ARAL Program Act ay nagbibigay ng sistematikong remediation sa pagbasa, matematika, at agham sa pamamagitan ng pagpapares sa mga mag-aaral sa mga pampublikong guro, mga lisensyadong para-teacher, mga mag-aaral na nagpapakadalubhasa sa pagtuturo, at mga sinanay na tutor mula sa pamayanan sa buong bansa.
Tungkol sa Youth Impact
Ang Youth Impact ay isang global non-profit na nakabase sa Gaborone, Botswana, na nakikipagtulungan sa mga pamahalaan at institusyon tulad ng World Bank upang itaguyod ang mga programang pang-edukasyon na nakabatay sa ebidensya at data-driven na modelo para sa pagpapabuti ng kalidad ng pagkatuto ng mga bata sa buong mundo.
Bilang bahagi ng kolaborasyon nito sa World Bank, nagbigay ng teknikal na tulong ang Youth Impact sa Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng pagsasagawa ng third-party evaluation sa flagship program nito na Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, na inilunsad noong School Year 2025–2026.
Pinangunahan ang pagsusuring ito ng mga eksperto mula sa Youth Impact, kabilang sina: Noam Angrist (Co-Founder), Mariel Bayangos (Education and Partnerships Specialist), Konstantin Buchel (Research Specialist), Jenny Perlman (Senior Lead, Innovation & Growth), at Elaine Umali-Trinos (Policy Specialist).
Si Noam Angrist ay isang kilalang academic researcher na ang mga pag-aaral ay nailathala na sa mga prestihiyosong journal gaya ng Nature, Nature Human Behaviour, at Journal of Economic Perspectives. Nagsilbi rin siyang tagapayo para sa World Bank Chief Economist, katuwang sa pagbuo ng education pillar para sa World Bank Human Capital Index, at nanguna sa pananaliksik para sa mga pangunahing ulat ng Global Education Evidence Advisory Panel. Sa kasalukuyan, siya ang nagsisilbing Academic Director para sa What Works Hub for Global Education. Si Angrist ay isang Fulbright at Rhodes scholar na nagtapos ng B.S. in Mathematics and Economics sa MIT at may PhD mula sa University of Oxford. | Press release from Department of Education