Photo courtesy of Rep. Sarah Elago Facebook
Nanawagan si Gabriela Women’s Party Representative Sarah Elago para sa mabilis na pagpapasa ng batas upang pormal na maitatag ang Barangay VAWC Desks at mabigyan ng kaukulang suporta ang mga opisyal nito sa buong bansa.
Sa ginanap na pagdinig sa pambansang badyet ng Department of the Interior and Local Government, inihayag ni Elago ang kanyang alalahanin sa kawalan ng security of tenure at sapat na sahod para sa mga humahawak ng mga kaso ng Violence Against Women and Their Children (VAWC) sa mga barangay.
Binigyang-diin ng mambabatas na marami sa mga VAWC Desk officer ang nagreretiro o umaalis na sa puwesto dahil sa kawalan ng regular na pasweldo, kung saan ang ilan ay tumatanggap lamang ng ₱500 hanggang ₱1,000 na honorarium.
Nang tanungin ni Elago si DILG Sec. Jonvic Remulla ukol sa mga hakbang para sa isyu, inamin nitong kinakailangan ng panibagong batas upang makalikha ng mga plantilla position.
Inihayag ng DILG na mayroon nang inirerekomendang mga amyenda sa Republic Act No. 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act), pati na rin ang mga pag-aaral mula sa Philippine Commission on Women (PCW) hinggil sa nararapat na kompensasyon at suporta sa mga VAWC officer.