Hindi na panghihimasukan pa at ipauubaya na lang ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga pribadong grupo at media organizations ang pagkakasa ng election debates sa darating na 2028 National Elections.
Ayon kay COMELEC Chairpersonn George Erwin Garcia, gaganap na lang ang poll body sa supervisory role nito sa ano mang ikakasang debate ng alinmang organisasyon o media outfit.
Nangangahulugan ito na hindi na magkakasa pa ng COMELEC-organized debates ang poll body.
Nakasaad kasi sa batas patungkol sa election propaganda, na hindi naman talaga COMELEC ang dapat nagsasagawa ng debate kung hindi pribadong grupo at ang tanging papel dito ng komisyon ay ang supervision ng debate.
Ilang isyu rin kasi ang lumutang nang mag-organize ang COMELEC ng sarili nitong electoral debate noong taong 2022.