Photo courtesy of Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol
Pinaalalahanan ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga Group 2 at Group 3 household-beneficiaries ng UPLIFT Assistance na kumpletuhin ang mga kinakailangang proseso para matanggap ang cash assistance sa pamamagitan ng bank account, e-wallet o disbursement account.
Matapos ang manual payout, digital na ang pamamahagi ng cash aid ngayon para sa mga benepisyaryo.
Para sa Group 2 o CBMS poor at near-poor households, kailangang magkaroon ng sariling bank o e-wallet account, i-upload ang banking details sa UPLIFT G2P Portal at kumpletuhin ang National ID authentication sa BBM Serbisyo Portal.
Para naman sa Group 3 o low-income SSS households, National ID authentication lamang sa BBM Serbisyo Portal ang kailangang kumpletuhin.
Hinikayat ng DSWD ang mga benepisyaryo, na tiyaking tama at kumpleto ang kanilang impormasyon upang maiwasan ang pagkaantala sa payout.
Una nang iniulat ng DSWD na aabot na sa 5.57 milyong poor, near-poor at low-income households na ang nakatanggap ng financial assistance sa ilalim ng Unified Package for Livelihood, Industry, Food, and Transport o UPLIFT Program.
Maaaring bisitahin ang BBM Serbisyo sa bbmserbisyo.dswd.gov.ph at UPLIFT G2P Portal sa upliftg2p.dswd.gov.ph.