Kinumpirma ng Pasuguan ng Pilipinas sa India na isang Pilipinong turista ang kabilang sa daan-daang nawawala mula sa nangyaring matinding flash flood sa Nepal.
Ito ay batay sa pakikipag-ugnayan ng embahada sa konsulado ng Pilipinas sa Kathmandu.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Philippine Ambassador to India Josel F. Ignacio, sinabi nito na isang Pilipinong turista o temporary visitor ang kabilang sa mga kasalukuyang pinaghahanap.
Aniya, maituturing na bumisita lamang sa lugar ang Pilipinong ito dahil karamihan sa mga pumunta sa rehiyon ay tumutungo sa pilgrimage site doon.
Wala naman sa mga Pilipinong naninirahan at nagtatraho sa apektadong rehiyon ang naiulat na nasawi o nawawala batay sa naiulat ng Filipino community roon.
Ayon kay Ambassador Ignacio, tinatayang nasa 300 Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho roon at ang karamihan dito ay mga kababaihan na nakapangasawa na ng mga Nepalese.
Dagdag pa ng opisyal, marami na rin ang mga Pilipinong pumupunta sa Nepal para makapaglakbay sa bansa dulot na rin ng impluwensya ng mga social media.
Samantala, tiniyak naman ng embahador na kapag mayroon na silang impormasyon sa kinahinatnan ng nawawalang turista ay agad nilang ipagbibigay-alam ito sa pamilya nito sa Pilipinas.