Doble-ingat ang payo ng isang eksperto sa publiko hinggil sa mga posibleng maging sanhi ng malubhang sakit oras na magpositibo sa Leptospirosis ang isang pasyente.
Ayon kay San Lazaro Hospital Chairman and Head of Adult Infectious Disease and Tropical Medicine, Dr. Rontgene Solante, karamihan sa mga nasasawi na pasyente ng Leptospirosis ay dahil sa pulmonary hemorrhage.
Oras kasi na makaranas na ang pasyente ng pulmonary hemorrhage ay nagkakaroon ng pagdurugo sa loob ng airways ng baga kaya’t nahihirapan na itong magpasok ng oxygen sa katawan.
Ani Solante, kapag tinamaan na ang baga ay kasabay nitong tumataas ang mortality rate o posibilidad na masawi ang isang pasyente bukod pa sa pagkakaroon din ng multi-organ failure.
Kaya naman napakahalaga ng early detection at prevention sa naturang sakit upang hindi na ito lumala at humantong pa sa kamatayan.
Hinimok din ni Solante ang publiko na huwag mag-atubiling magpakonsulta sa ospital lalo’t kung nararamdaman na ang mga sintomas ng Leptospirosis dahil nakahanda naman ang tulong ng pamahalaan para sa mga pasyenteng may Leptospirosis.