Sinibak sa puwesto ni Public Works Secretary Vince Dizon ang Maintenance Chief ng Las Piñas-Muntinlupa District Engineering Office o LMDEO dahil sa mabagal na pagtugon sa panahon ng kalamidad at umano’y kapabayaan sa tungkulin.
Ayon sa Department of Public Works and Highways, bahagi ito ng pagpapatupad ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na linisin ang hanay ng mga opisyal at kawani ng ahensya.
Iginiit ni Dizon na hindi palalampasin ang mga pagkukulang, lalo na sa panahon ng kalamidad kung kailan kinakailangan ang mabilis at maayos na pagtugon ng mga ahensya ng pamahalaan.
Patuloy ring paiigtingin ng DPWH ang disiplina at pananagutan sa mga empleyado nito upang matiyak ang episyente at responsableng serbisyo sa publiko.
Nagbabala ang pamunuan ng DPWH na ang mga mapatutunayang nagpapabaya o hindi tumutupad sa kanilang tungkulin ay maaaring maharap sa kaukulang aksyon.