Bumigay na rin ang Agana Bridge sa Tarlac City matapos ang tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan sa lugar, dahilan upang tuluyan itong isara sa lahat ng sasakyan at pedestrian, ayon sa Department of Public Works and Highways o DPWH.
Sa public advisory ng DPWH Tarlac 1st District Engineering Office, sinabi nitong naganap ang pagguho ng isang bahagi ng tulay bandang 7:40 PM kagabi, Sabado.
Bago ang insidente, nagsilbi muna ang Agana Bridge bilang alternatibong ruta matapos bumigay din ang Aquino Bridge noong Biyernes ng gabi.
Nauna nang nagsagawa ng inspeksyon si DPWH Secretary Vince Dizon sa Aquino Bridge upang personal na tingnan ang lawak ng pinsala at pangunahan ang pagtugon ng ahensya.
Sa ngayon, nananatiling sarado ang Agana Bridge sa lahat ng uri ng sasakyan habang patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang lawak ng pinsala at bineberipika kung may mga sasakyang naapektuhan sa pagkasira nito.
Pinapayuhan ang mga motorista na umiwas sa lugar, gumamit ng mga alternatibong ruta, at manatiling alerto sa mga susunod na abiso ng DPWH at lokal na pamahalaan habang nagpapatuloy ang masamang panahon.