Iniulat ng Office of Civil Defense na umabot na sa ₱6.1 bilyon ang tinatayang pinsala sa imprastraktura sa Luzon dahil sa patuloy na pag-ulan at pagbaha.
Ayon kay OCD Deputy Administrator for Administration Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, halos 100 road sections at 13 tulay ang hindi pa madaanan habang isinasagawa ang clearing at repair operations.
Kabilang dito ang dalawang tulay sa Tarlac na naputol, kaya napipilitang gumamit ng alternatibong ruta ang mga motorista.
Mahigpit ding binabantayan ng mga awtoridad ang mga ilog sa Central Luzon at Zambales, kabilang ang Pasig-Potrero, O’Donnell, Bucao, Sto. Tomas, at Maloma Rivers, dahil sa banta ng pag-apaw at flash floods.
Mino-monitor din ang Porac-Gumain River sa Pampanga, habang may mga bagong naitalang landslide sa Zambales at ilang bahagi ng SCTEX.
Sinabi ni Alejandro na posibleng madagdagan pa ang pinsala dahil nananatiling mataas ang banta ng pagbaha, bunsod ng patuloy na pag-ulan sa Region 1 at Region 3.