Photo courtesy of Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)
Nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang dalawang drug pusher sa Quezon City, wala pang limang buwan matapos arestuhin sa isang buy-bust operation.
Kinilala ang mga akusado na sina Janoden Basmala, alias “Jhon,” at Sainor Musa.
Sa desisyon ng Quezon City Regional Trial Court Branch 219, napatunayang guilty beyond reasonable doubt ang dalawa sa pagbebenta ng mahigit isang kilo ng shabu.
Isinagawa ang buy-bust ng Philippine Drug Enforcement Agency -National Capital Region noong Abril 10 sa Barangay Pasong Putik, Quezon City.
Nasamsam sa operasyon ang 1,020.50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng halos Php 6.9 milyon.
Bukod sa life imprisonment, pinagmulta rin ang bawat akusado ng isang milyong piso.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez , patunay ang mabilis na hatol sa maayos na case build-up at pagpreserba ng ebidensiya. | ulat ni Rey Ferrer