Photo courtesy of Philippine Coast Guard (PCG)
Mahigit 15,800 residente sa iba’t ibang bahagi ng Luzon ang nasagip at nailikas ng Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa malawakang pagbaha dulot ng pinaigting na Habagat.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, nagsagawa ng sabayang rescue at preemptive evacuation ang mga tauhan ng Coast Guard katuwang ang mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management Office.
Sinabi ni Cayabyab, na maagang ipinuwesto sa mga high-risk area ang mga tauhan, sasakyang pandagat at panlupa, at rescue equipment upang mapabilis ang pagtugon sa mga komunidad na nangangailangan ng tulong.
Ayon naman kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, nakatulong sa mas mabilis na disaster response ang patuloy na modernisasyon ng ahensya sa ilalim ng administrasyon ni President Ferdinand R. Marcos Jr., kabilang ang pagdagdag ng kagamitan, tauhan, at Quick Response Fund.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang PCG sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya habang nagpapatuloy ang masamang panahon sa ilang bahagi ng Luzon.