Photo courtesy of Civil Service Commission (CSC)
Bilang bahagi ng ika-126 Philippine Civil Service Anniversary, ilulunsad ngayong Setyembre ng Civil Service Commission (CSC) ang Trabaho at Serbisyo Hatid sa Bayan 2026.
Ikakasa ito sa iba’t ibang lugar sa 16 na rehiyon, kung saan pagsasamahin ang government job fair at frontline government services sa isang accessible na venue.
Layon nitong mailapit sa publiko ang mga oportunidad sa trabaho sa gobyerno at iba pang serbisyo.
Maaaring direktang makipag-ugnayan ang mga jobseeker sa participating government agencies para malaman ang mga bakanteng posisyon, requirements, proseso ng aplikasyon, at sumailalim sa preliminary screening.
Kabilang sa mga ahensyang inaasahang lalahok ang Philippine Army, BJMP, DPWH, DepEd, DENR, DOE, BCDA, at mga provincial at local government units.
Maaari ring magbigay ng iba pang frontline services ang ilang ahensya, gaya ng SIM at phone blocking, government registration at records updating, legal assistance, at voter certification.
Hinihikayat ng CSC ang mga kwalipikadong aplikante, kabilang ang persons with disabilities at members of indigenous cultural communities, na makilahok sa programa.