Nanawagan ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa Kongreso na magpasa ng batas na maghihigpit sa regulasyon ng mga online gaming at social media platform sa Pilipinas.
Ayon kay ACG Director PMGen. Wilson Asueta, bagamat wala pang natutukoy na direktang ugnayan sa mga nangyaring insidente ng karahasan at mga laro o content online. Pero tinitingnan pa rin ito ng pulisya bilang isa sa mga risk factor, lalo na ang matagalang pagkalantad sa violent content, extremist ideologies, at iba pang impluwensya sa internet.
Dahil dito, ipinapanukala ng ACG na magtatag ng review and censorship board na mangangasiwa sa mga online at gaming platform. Bibigyan ito ng awtoridad na suriin at ipatanggal ang anumang content na mapanganib o naghihikayat ng karahasan.
Aminado naman si Asueta na hirap silang panagutin ang ilang platform dahil nasa ibang bansa ang mga kumpanyang may hawak nito, kaya mas mabuti aniyang atasan ang mga ito na magbukas ng local office upang mas madali silang masaklaw ng ating batas at ligal na proseso.
Nais din ng ACG na palawakin ang mandato ng National Telecommunications Commission pagdating sa pagbabantay sa mga online network. Para kay Asueta, mahalaga ang mas matibay na regulatory framework at ugnayan sa mga platform upang hindi mabiktima ang mga menor de edad ng mapanganib na content at online grooming.