Epektibo simula ngayong araw ang libreng toll para sa lahat ng sasakyang manggagaling sa Pulilan, Bulacan hanggang San Fernando, Pampanga, at pabalik.
Tugon ito ng pamahalaan sa matinding trapikong nararanasan sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) dahil sa pagbaha sa Tulaoc Bridge sa San Simon, Pampanga.
Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, personal siyang nakipag-ugnayan kay NLEX Corporation President Luis Reñon upang matulungan ang mga motorista at pasaherong labis na naapektuhan ng trapiko, alinsunod sa utos ng Pangulo.
Nagpasalamat din ang Department of Transportation (DOTr) sa NLEX Corporation dahil agad itong tumugon sa hiling na magpatupad ng libreng toll.
Nasa ₱113 ang regular na toll para sa Class 1 vehicles na dadaan ng Pulilan-San Fernando, ₱281 naman sa Class 2, at ₱338 sa Class 3.
Magpapatuloy naman ang libreng toll hanggang sa bumalik sa normal ang sitwasyon sa NLEX.
Samantala, ipinag-utos na rin ng DOTr at Toll Regulatory Board sa NLEX Corporation na magbigay ng pagkain at tubig, at magtayo ng mga portlets para sa mga motoristang naiipit sa mabigat na trapiko.