Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., sa mga yunit ng pulisya sa buong bansa na paigtingin ang kanilang presensya at pagpapatrulya sa mga lugar na inaasahang daragsain ng publiko.
Ito’y ayon sa PNP Chief bilang bahagi ng pagkakasa nila ng pinaigting na seguridad ngayong nagsimula na ang “BER” months.
Partikular na pinatututukan ni Nartatez sa mga regional, provincial at local police office ang mga commercial establishments, transport hubs, pamilihan at iba pang pampublikong lugar na pinupuntahan ng publiko.
Sa pagpasok ng “BER” months, hudyat na rin ito ng pagsisimula ng mahabang panahon ng Pasko sa Pilipinas, kung kailan naman inaasahang tataas ang mga aktibidad gaya ng pamimili, paglalakbay, pagtitipon ng mga pamilya at iba pang gawain.
Kasunod nito, nanawagan si Nartatez sa publiko na manatiling alerto laban sa mga krimeng maaaring samantalahin ang pagdami ng mga mamimili, transaksiyong gumagamit ng salapi at paglalakbay.
