Nakahanda na ang pwersang panseguridad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa nalalapit na Bangsamoro (BARMM) Parliamentary Elections sa darating na September 14 ngayong taon.
Ito ang inihayag ni Gen. Antonio Nafarrete, ang Chief of Staff ng AFP, kung saan kanyang siniguro na nakahanda na ang militar upang tiyakin na magiging maayos at matiwasay ang kauna-unahan at makasaysayang eleksyon sa BARMM.
Magbibigay rin aniya ng seguridad ang AFP sa mga kawani ng Commission on Elections (COMELEC) sa pagkakataong dalhin ang mga election paraphernalia sa mga treasurer’s office sa iba’t ibang munisipalidad sa BARMM Region.
Ayon naman kay Western Mindanao Command (WestMinCom) Acting Commander Major General Jose Vladimir Cagara, kahit aniya mababa ang banta sa seguridad partikular sa Tawi-Tawi at Basilan, hindi sila magpapakampante at kanilang sinisiguro na mananatiling matatag ang kanilang pwersa sa mga nasabing lugar.
Samantala, mas nakatutok aniya ang kanilang pwersa sa mga lugar na nasa ilalim ng election areas of concern partikular sa Central Mindanao at Lanao del Sur.
Inatasan na ni Maj. Gen. Cagara ang mga hepe ng Joint Task Force na mag-deploy ng augmentation force sa mga lugar na tinukoy ng kanilang intelligence units upang maiwasan ang anumang mga banta o karahasan. | ulat ni Justin Bulanon | Radyo Pilipinas Zamboanga