Tumanggap ng mahigit ₱6.5 milyong halaga ng farm machinery, hauling vehicles, at iba pang kagamitan, kasama ang ₱900,000 start-up capital, ang CAMMPACAMM Indigenous Peoples Organization (IPO) sa Rosario, Agusan Del Sur, kamakailan.
Isinagawa ang turnover ng Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng Mindanao Inclusive Agriculture Development Project (MIADP), katuwang ang LGU Rosario.
Layunin ng proyekto na gawing mas moderno ang pagsasaka, mabawasan ang post-harvest losses, at mapababa ang gastos sa paghahatid ng mga produkto. Tinatayang 6,000 maliliit na Manobo coconut farmers sa loob ng CADT 078 at mga karatig-komunidad ang makikinabang dito.
Kabilang sa mga ipinamahaging kagamitan ang dalawang 14-foot dropside hauling trucks, moisture meters, coconut dehusker, weighing scales, trolleys, bolos, drums at iba pang kagamitan para sa pag-aani at pangangasiwa ng mga produkto.
Pinondohan ng World Bank ang proyekto na naglalayong palakasin ang produksyon ng agrikultura, access sa merkado at pagtatayo ng sustainable community-led agri-enterprises para sa mga Indigenous Peoples.
Nagpasalamat naman ang CAMMPACAMM at nangakong pangangalagaan at gagamitin nang wasto ang mga kagamitan para mapakinabangan ng buong komunidad. | ulat ni Dyannara Jaque | Radyo Pilipinas Butuan
📸 MIADP – RPCO 13

