Umarangkada na ang National Simultaneous School Safety Drill ng Department of Education (DepEd) sa Carlos F. Gonzales High School sa San Rafael, Bulacan ngayong araw.
Layon nito na palakasin ang kamalayan at kahandaan ng mga estudyante at guro sakaling magkaroon ng mga hindi inaasahang pangyayaring magiging banta sa kanilang seguridad.
Panauhing pandangal si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla, kasama si DepEd Usec. Malcolm Garma, na kinatawan ni DepEd Sec. Sonny Angara, at ASec. Jocelyn Andaya.
Tampok dito ang scenario briefing, 30-minute full-scale lockdown drill at post-drill review and evaluation na nahahati sa apat na phase.
Sa Phase 1, nagkaroon ng early detection and warning kung saan ipagbibigay-alam ng unang taong nakapansin sa panganib ang pangyayari sa punong-guro at pasisimulan ang LOCK OUT signal sa pamamagitan ng PA system ng paaralan.
Dito, isasara at ise-secure ng mga guwardiya ang paligid ng paaralan at ititigil ang pagpapapasok gayundin ang pagpapalabas sa mga gate.
LOCKDOWN naman ang ipatutupad sa Phase 2 kung saan uutusan ng mga guro ang mga estudyante na tumakbo at magtago, gayundin ay lumaban kung kailangan.
Sa Phase 3, magkakaroon ng Emergency Communication kung saan dapat makipag-ugnayan o tumawag ang School DRRM Officer sa lokal na himpilan ng PNP.
Mahalagang nakapaloob sa ulat ang mga sumusunod na detalye:
- Eksaktong address ng paaralan
- Itsura ng kahina-hinalang tao
- Room number at bilang ng attackers
Habang sa Phase 4 naman ay Law Enforcement Arrival, kung saan darating ang mga opisyal ng PNP sa paaralan upang tugunan at mapigilan ang banta.