Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang mga unit nito na ipatupad ang komprehensibong hakbang pangseguridad sa panahon ng 2026 Bar Examinations.
Ayon kay PNP Chief PGEN Jose Melencio Nartatez Jr., ipinag-utos na niya ang pagtatalaga ng sapat na tauhan at resources upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa buong tatlong araw ng pagsusulit.
Gaganapin ang bar exams sa September 6, 9, at 13 sa 15 testing center sa buong bansa: pito sa Metro Manila, tatlo sa Luzon, tatlo sa Visayas, at dalawa sa Mindanao.
Inaasahan namanf makaaapekto ito sa daloy ng trapiko patungo at palabas ng mga paaralan, kaya makikipag-ugnayan ang PNP sa mga lokal na awtoridad para sa kaligtasan sa mga kalsada.
Sinabi ni Nartatez, na kabilang sa tututukan ng pulisya ang kaligtasan hindi lamang ng mga examinee kundi maging ng kanilang mga magulang at ng mga law student na lalahok sa “bar ops” malapit sa mga testing center.
Sa ngayon ay wala pang namomonitor ang PNP na banta kaugnay ng pagsusulit.