Nilinaw ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi lamang mga pamilyang nasa evacuation centers ang kabilang sa prayoridad sa pamamahagi ng Family Food Packs (FFPs), kundi maging ang mga apektadong pamilyang nananatili sa labas ng evacuation sites.
Ayon kay DSWD Asec. Leo Quintilla, nakikipag-ugnayan ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan at Municipal Social Welfare and Development Offices (MSWDOs) para matukoy at matugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang nasa labas ng evacuation centers.
May mga itinatalaga ring distribution centers na hindi kinakailangang nasa loob ng evacuation centers para mas mapadali ang pamamahagi ng relief goods.
Sa pinakahuling tala ng DSWD, nasa 20,000 pamilya o katumbas ng 71,000 indibidwal ang nananatili sa evacuation centers, habang nasa 26,000 pamilya o mahigit 100,000 residente ang displaced population na pansamantalang nakikitira sa kanilang mga kaibigan o kamag-anak.
Kaugnay nito, iniulat ng DSWD na lahat ng mga lugar na na-isolate bunsod ng epekto ng Habagat ay naabutan na rin ng tulong ng ahensya.
Sa ngayon, nasa ikalawang wave na rin ang pamamahagi ng relief packs sa Pampanga at Pangasinan, kasunod ng malawakang epekto ng pag-ulan at pagbaha.
Sa tulong din ng express lane na inilaan ng NLEX Corporation, wala nang delay sa pagde-deliver ng relief goods ng DSWD sa mga apektadong lugar sa Central Luzon at Northern Luzon.