Nakipag-pulong na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kasama ang Japanese consultant na Nippon Koei-CTI Engineering gayundin sina dating DPWH Secretary Rogelio Singson, at mga opisyal ng Toll Regulatory Board (TRB), at NLEX Corporation upang solusyunan na ang matinding baha sa North Luzon Expressway o NLEX alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kabilang sa immediate solutions na isusulong ng DPWH at NLEX Corp. ay ang paglalagay ng sheet piles upang hindi tumawid ang tubig mula sa Tulaoc River sa expressway, at pagde-deploy ng DPWH at MMDA ng high-capacity pumps upang mahigop ang naipong tubig-baha palabas ng expressway.
Kasama rin sa mga inilatag na solusyon ang pagpapalalim ng Tulaoc River na magsisilbing imbakan ng nabombang tubig upang maiwasan ang pag-apaw sa expressway tuwing high tide o tuloy-tuloy ang buhos ng ulan.
Ayon kay DPWH Sec. Vince Dizon, napakahalaga ng koordinasyon ng pamahalaan sa pribadong sektor upang pirming masolusyunan ang taon-taon nang perwisyo ng baha sa NLEX na lubos na nakaka-perwisyo sa mga biyahero, commuter, at negosyo.