Photo courtesy of Philippine Coast Guard
Nasabat ng pinagsanib na operatiba ang tinatayang 89 kilo ng hinihinalang high-grade marijuana na nagkakahalaga ng ₱106.8 milyon mula sa isang sailing yacht na nakadaong sa Subic Bay Yacht Club sa Zambales.
Kabilang sa operasyon ang Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BOC).
Nagsimula ang operasyon matapos makakita ang mga mekanikong nagkukumpuni sa generator at makina ng yacht ng nakatagong hinihinalang ilegal na droga noong Setyembre 1.
Dakong alas-siyete ng gabi nitong Setyembre 2, nagsagawa ng boarding at inspection ang mga awtoridad at narekober ang kontrabando.
Dinala ang mga nakumpiskang item sa boathouse ng Subic Bay Yacht Club para sa inventory bago ini-turn over sa PDEA ngayong Setyembre 3 para sa kaukulang disposisyon at imbestigasyon.