Nanawagan si Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) Chairperson Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ng masusing pagsusuri sa 21 araw na pananatili ng Chinese marine research vessel na Haiyang Dizhi Shi Hao sa Bajo de Masinloc o Panatag Shoal.
Nanatili ang naturang barko sa lugar mula Agosto 11 hanggang Setyembre 1 at may kakayahang magsagawa ng geological survey sa seabed at mangalap ng datos na maaaring gamitin sa marine engineering projects.
Ayon kay Goitia, dapat alamin ng pamahalaan kung anong uri ng pananaliksik ang isinagawa ng Tsina at kung saan maaaring gamitin ang nakalap na impormasyon.
Ikinumpara rin ni Goitia ang sitwasyon sa Panganiban Shoal o Mischief Reef, kung saan ang dating mga istrukturang itinayo ng Tsina ay kalauna’y naging artipisyal na isla na may mga pasilidad militar.
Iginiit ni Goitia na kailangang bantayang mabuti ang anumang aktibidad na maaaring magbago sa kasalukuyang kalagayan sa Panatag Shoal at makaapekto sa maritime rights ng Pilipinas.
Si goitia ay chairman din ng mga civic organizations na People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY).