Ilang biyahe ng mga sasakyang pandagat sa Bicol, Mindoro, Panay-Guimaras at Western Leyte-Biliran ang kanselado ngayong Huwebes dahil sa Tropical Storm Pilandok at Habagat.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), kabilang sa mga apektado ang ilang ruta mula Masbate patungong Albay at Camarines Sur, gayundin ang mga biyahe sa Puerto Galera, Abra de Ilog, Roxas at San Jose sa Mindoro.
Kanselado rin ang lahat ng biyahe sa Port of Lubang dahil sa ipinatutupad na no-sail policy ng lokal na pamahalaan.
Apektado rin ang mga biyahe mula Alegria patungong Roxas, Oriental Mindoro, gayundin ang Maasin at Padre Burgos patungong Surigao.
Nilinaw ng PPA na hindi ito ang nagkakansela ng mga biyahe at awtomatikong sinususpinde ang paglalayag kapag nagpatupad ng no-sail policy ang Philippine Coast Guard o PCG.