Pinagtibay ng “hostile witness” na si Atty. Michael Poa ang mga naunang isiniwalat sa korte ng mga testigo ng House Prosecution Panel, ayon kay House Prosecutor Terry Ridon matapos ang day 21 ng paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Aniya, pinatunayan ni Atty. Poa ang mga inilahad ng dalawang testigo mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang pondong inilabas ang Department of Education (DepEd) mula sa confidential funds para sa mga aktibidad ng Philippine Army.
Sa direct examination ni private prosecutor Atty. Benjamin Jay Tolosa kay Atty. Poa, ibinunyag nitong personal niyang itinanong sa pangalawang pangulo ang ukol sa confidential funds, subalit sinabihan umano siya nitong hindi ito pwedeng banggitin dahil ginagamit ito sa counter-insurgency at mga kaugnay na aktibidad.
Mahalaga rin umano na pinatunayan ni Atty. Poa na ginamit nila ang hiniling na sertipikasyon mula sa AFP bilang bahagi ng naging tugon ng DepEd sa Audit Observation Memorandum (AOM) ng Commission on Audit sa ahensya.
Samantala, ayon kay Ridon, matapos ang siyam na linggo o dalawang buwan ng paglilitis, patuloy pa rin ang hindi pagsipot ng bise-presidente sa kanyang sariling paglilitis.