Tinatayang nasa P10,000 hanggang P15,000 ang nawawalang kita mula sa biyahe ng isang trak kada araw sa tuwing naiipit ito sa matinding trapik, ayon sa Alliance of Concerned Truck Owners and Organization (ACTOO).
Dahil dito, patong-patong na problema ang nararanasan ng mga may-ari ng trucking company na naipit sa matinding trapik sa North Luzon Expressway (NLEX) mula nitong mga nakalipas na araw hanggang sa kasalukuyan nararanasang pagbaha.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Connie Tinio, ACTOO Director at Head ng Central Luzon Truckers, sinabi nito na malaki ang nagiging gastos ng mga trucking company dahil kapag naipit ang kanilang mga sasakyan sa matinding trapiko ay halos nadodoble ang konsumo nito sa diesel.
Bukod pa rito ang banta ng baha na posibleng makasira ng makina ng trak o makaantala ng biyahe.
Dahil dito, sasaluhin ng kumpanya ang mga additional compensation para sa sahod ng mga driver at pahinante nito.
Ibinahagi rin ni Tinio na hindi pumapayag ang karamihan sa mga negosyante na saluhin ang mga karagdagang gastos dahil sa pagkaantala ng delivery.
Ani Tinio, kung hindi kaagad maaaksyunan ng gobyerno ang ganitong problema, magkakaroon ito nang matinding epekto sa ekonomiya lalo’t ang pagkaantala ng delivery ay posibleng magdulot nang pagkasira ng ilang mga produkto.