Posibleng hindi makasuhan sa ilalim ng Anti-Hazing Act sina dating Ateneo de Manila University Men’s Basketball Team head coach Tab Baldwin at 8 iba pang respondent na iniuugnay sa pagkamatay ng dalawang Ateneo student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Ayon kay Justice Undersecretary Ian Norman Dato, walang nakitang sapat na basehan ang kagawaran para ipagpatuloy ang imbestigasyon sa reklamong hazing.
Ito ay batay sa DOJ Department Circular No. 20 dahil walang prima facie evidence with reasonable certainty of conviction laban sa mga respondent.
Sa halip, nahaharap sina Baldwin at iba pa sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Ayon sa DOJ, sinimulan na noong Lunes ang preliminary investigation sa naturang reklamo. Bibigyan ang mga respondent ng pagkakataong magsumite ng kanilang counter-affidavit hanggang Setyembre 15, 2026.
Kung mapatunayang nagkasala, maaari silang maharap sa parusang pagkakakulong na hindi bababa sa anim na taon.