Kinumpirma ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na posibleng hindi muna mag-export ng asukal ang Pilipinas sa Estados Unidos ngayong taon.
Ayon sa SRA, bunsod ito ng kakapusan ng suplay ng tubo o sugarcane.
Sinabi naman ni SRA Administrator at Chief Executive Officer Pablo Luis Azcona na ang local production ng asukal ay hindi sapat para matugunan ang quota ng US, ngayong taon.
Noong nakaraang taon kasi ay tinamaan din ng matindi ng mga pagbaha ang taniman ng mga tubo kaya naapektuhan ang lokal na produksiyon.
Isa rin sa mga tinitingnang dahilan ng pagpapatigil ng export ng asukal ay ang napipintong epekto ng El Niño na lubos na maka-aapekto sa mga pananim na tubo.
Maisasapinal pa nila ang desisyon kapag magsimula na ang milling season sa October 1.