Tumangging maghain ng plea sa Sandiganbayan 5th Division si Sen. Jinggoy Estrada sa kinahaharap na kasong graft at plunder kaugnay pa rin ng flood control mess.
Dahil dito, ang korte na mismo ang naghain ng “not guilty” plea para kay Estrada sa dalawang kaso.
Dumating bago mag-alas-8:30 ng umaga si Estrada na nakasaklay at hindi na rin siya pinatayo sa korte.
Binigyan naman ng mga mahistrado ng 10 araw ang kampo ni Estrada para maghain ng paliwanag kung bakit hindi siya dapat suspendihin bilang senador, habang limang araw naman ang ibinigay sa prosekusyon para magkomento.
At dahil nauna na ring naghain ng petition for bail ang kampo ni Estrada, inatasan na ng mga mahistrado ang kanyang mga counsel na dumalo sa preliminary conference para sa marking of evidence at maitakda ang bail hearing.
Samantala, matapos alisin si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan bilang co-accused ni Estrada, hiniling na rin ng legal counsel nito sa korte na maglabas ang korte ng release order na nag-uutos sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na palayain si Bonoan, na kasalukuyang naka-confine sa PNP General Hospital.