Photo courtesy of Department of Migrant Workers (DMW)
Nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga Pilipinong aplikante para sa seasonal work, kabilang ang mga local government unit (LGU) na kalahok sa Seasonal Workers Program (SWP) ng South Korea, laban sa mga hindi awtorisadong recruiter na nag-aalok ng recruitment, training at deployment services.
Sa isang social media post, sinabi ng DMW na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng mga broker sa recruitment at deployment ng seasonal workers patungong South Korea.
Ayon sa Advisory No. 54, series of 2026 ng DMW, itinalaga ng pamahalaan ng South Korea ang Korea Agency of Education, Promotion and Information Service in Food, Agriculture, Forestry and Fisheries (EPIS), sa ilalim ng Ministry of Agriculture, Food and Rural Affairs, bilang “Central Government Agency Specialized in the Seasonal Worker Program.”
Nilinaw din ng ahensya, na hindi awtorisado ang mga pribadong kumpanya sa South Korea na magsaayos o magpadali ng mga kasunduang “sisterhood” o “twinning agreements” sa pagitan ng mga LGU sa Pilipinas at South Korea para sa pagpapatupad ng programa.
“Ito ay mahalagang paalala sa ating mga LGUs na bahagi ng Seasonal Workers Program sa Korea na huwag makipag-ugnayan sa mga hindi awtorisadong kumpanya o indibidwal upang masiguro natin ang kapakanan at proteksyon ng ating mga Pilipinong seasonal workers ayon sa ating mga regulasyon na itinakda patungkol sa overseas employment,” ani Cacdac.
Hinimok ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang mga kalahok na LGU na iwasang makipag-transaksiyon sa mga hindi awtorisadong kumpanya o indibidwal.
Sinabi ni Cacdac, na inilabas ng DMW ang babala alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang proteksiyon para sa mga OFW.
Ayon sa DMW, maaaring humingi ng karagdagang impormasyon ang mga LGU tungkol sa SWP sa Pre-Employment and Government Placement Bureau ng kanilang tanggapan.