Ipinaliwanag ng Commission on Elections (COMELEC) ang sistema ng pamamahagi ng 40 party representation seats para sa Bangsamoro Parliamentary Elections sa September 14, 2026.
Ayon sa COMELEC, tanging Regional Parliamentary Political Parties o RPPP na makakakuha ng hindi bababa sa 2.5 porsiyento ng kabuuang valid votes ang kwalipikadong makatanggap ng puwesto sa Bangsamoro Parliament.
Pagkatapos matukoy ang mga kwalipikadong partido, kukuwentahin ang kanilang bahagi batay sa porsiyento ng boto mula sa kabuuang boto ng lahat ng kwalipikadong RPPP at imu-multiply ito sa 40 seats.
Ang unang allocation ay iro-round down sa pinakamalapit na buong bilang. Kung mayroon pang natitirang puwesto, tig-iisang karagdagang seat ang ibibigay sa mga kwalipikadong partido ayon sa pagkakasunod ng kanilang nakuhang boto hanggang mapunan ang lahat ng 40 party representation seats.
Paalala ng COMELEC, isang RPPP lamang ang maaaring iboto ng bawat botante sa party representation portion ng Bangsamoro parliamentary elections.