Nagbabala si Senate Finance Committee Chairperson Senador JV Ejercito tungkol sa 8.2 billion pesos na halaga ng mga flood management project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na hindi nakasunod o kulang sa mandatory documentary requirements.
Batay sa initial review ng tanggapan ni Senator JV, sa 1,256 na proyekto sa ilalim ng DPWH flood management program, 155 proyekto na nagkakahalaga ng P8.2 billion ang nabigong sumunod o hindi kumpleto ang mga kinakailangang dokumento.
Kabilang dito ang geotagged photos, certificates of implementability at programs of works.
Sinabi ni Ejercito na kailangan ang infrastructure spending para mapalago ang ekonomiya pero hindi ito dapat isagawa nang walang sapat na safeguards.
Itinuro rin ng senador ang tatlong pangunahing red flags sa panukalang 2027 DPWH budget: mga budget item na malabo ang paglalarawan at tinatawag lang na “various projects”; lump-sum at clustered projects na kulang sa malinaw na detalye; at mga proyektong walang malinaw o may hindi tugmang project limits kabilang ang mga walang nakasaad na petsa o halaga.
Hinimok ni Ejercito ang DPWH na ayusin ang mga ito bago makarating sa plenaryo ng senado ang panukalang budget.
Sinabi rin niyang hindi dapat tuluyang mapahinto ang infrastructure development dahil sa flood control scandal.
Ayon kay Ejercito, kailangang magkaroon ng balanse sa pagitan ng accountability at pagpapabilis ng public spending para makatulong sa economic growth.
Muling iginiit ng senador ang kanyang senate bill no. 2 o Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Act, na naglalayong magkaroon ng pangmatagalan at integrated na national infrastructure master plan na gagabay sa mga proyekto ng pamahalaan lampas sa termino ng isang administrasyon.
Giit ni Ejercito, habang hinihintay ang pagpasa ng MIND act, dapat ay nakaayon na rito ang proposed 2027 DPWH budget. | ulat ni Nimfa Asuncion