Tiniyak ni Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na tuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Lunes, September 28, sa kabila ng mga inihaing petition sa Supreme Court na kumukwestiyon sa voting threshold baseline ruling ng impeachment court.
Sa pahayag ni Tongol, kinikilala ng Korte ang media reports tungkol sa magkahiwalay na petitions for certiorari na inihain nina Atty. Victor Rodriguez at Atty. Ernesto Francisco na layong humingi ng provisional remedies laban sa ruling ng impeachment court noong September 23.
Gayunman, sinabi ni Tongol na wala pang natatanggap na opisyal na notice o kopya ng mga petisyon ang senate impeachment court, gayundin ng anumang directive mula sa SC.
Dahil dito, hindi aniya maaaring kumilos ang impeachment court batay lamang sa mga balita.
Sinabi rin ni Tongol na iginagalang ng senado ang jurisdiction at independence ng Supreme Court.
Sakaling bigyan ng due course ng high court ang mga petisyon at hilingin ang komento ng senado, nakahanda aniyang ipagtanggol ng legal counsel nito, kasama ang office of the solicitor general, ang constitutional prerogatives at procedural rulings ng impeachment court.
Habang wala pang formal restraining order o Status quo ante order mula sa Supreme Court, mananatili aniyang nakatali ang impeachment court sa constitutional mandate nito.
Samantala, nilabas rin ng impeachment court ang schedule ng mga testigo ng prosekusyon para sa impeachment trial ni VP Sara mula September 28 hanggang October 2.
Kabilang sa mga inaasahang ihaharap ngayong linggo sina Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte at dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV.
Kabilang din sa mga inaasahang haharap ang mga opisyal mula sa PhilGEPS, PNP-FEO, register of deeds at Anti- Money Laundering Council (AMLC) para sa mga dokumento at testimonya kaugnay ng tinatalakay na article II ng impeachment case laban sa bise presidente. | ulat ni Nimfa Asuncion