Photo courtesy of DMW
Pinagkalooban ng agarang tulong ng Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration ang 899 OFW na na-stranded sa Saudi Arabia dahil sa mga kanselasyon ng flight noong Oktubre 10, 2026.
Kabilang dito ang 750 OFW sa Riyadh at 149 sa Jeddah na nabigyan ng tulong mula sa AKSYON Fund.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, kabilang sa tulong ang pagkain, matutuluyan, transportasyon, pinansyal na tulong, at medical at psychological services.
Inaalalayan din ang mga OFW sa rebooking ng kanilang flight at paghahanda sa pag-uwi sa Pilipinas.
Tiniyak ni Cacdac na patuloy na binabantayan ang kalagayan ng mga OFW na nasugatan sa pag-atake sa King Khalid International Airport, kabilang ang isang nasa Intensive Care Unit.
Nakatakdang makauwi sa bansa mula Oktubre 19 hanggang 21 ang paunang bilang na 200 OFW mula Riyadh, sa koordinasyon ng DMW, OWWA, at Department of Foreign Affairs.