Pabor sina Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. at House impeachment team adviser at spokesperson Robert Ace Barbers sa pagrepaso sa 16-vote threshold na kailangan para sa paghahatol sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Kasunod ito ng pahayag ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na nais ng ilang senador na suriin kung dapat bang isama sa bilang ang mga senator-judge na hindi nakadalo sa paglilitis.
Ayon kay Abante, may batayan ang tanong kung dapat magkaroon ng kapantay na bigat sa botohan ang mga senador na hindi personal na nakinig sa mga testigo at nagsuri ng mga ebidensya.
Samantala, sinabi ni Barbers na mahalagang mapag-usapan ng mga senator-judge ang isyu.
Gayonman, hindi pa aniya ito ang tamang panahon para dalhin sa Korte Suprema.
Ipinaliwanag ni Barbers na maaari lamang magkaroon ng aktuwal na kontrobersiya kapag nakapaglabas na ng desisyon ang impeachment court gamit ang isang pinagtatalunang voting threshold at may partidong magsabing naapakan ang kanilang karapatan.
Kapwa iginiit nina Abante at Barbers na ang Korte Suprema lang ang may huling salita kaugnay sa usapin.