Photo courtesy of Department of Migrant Workers (DMW)
Binisita at naka-daupang palad na ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac ang mga kaanak ng dalawang seafarer na nasawi dahil sa missile attack sa sinasakyan nitong barko sa Strait of Hormuz.
Sa panayam ng programang BOSES kay DMW Undersecretary Bernard Olalia, kinumpirma nitong nagtungo na sa Cavite at Cebu si Sec. Cacdac upang personal na kamustahin ang pamilyang naulila ng dalawang Pilipinong marino.
Alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay ibibigay ng DMW ang mga nararapat na tulong at benepisyo para sa mga naiwang kaanak ng dalawang nasawing Pinoy seafarer.
Ginagawa na rin ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang agad na maiuwi sa bansa ang labi ng dalawang nasawing Pilipinong marino.
Kinumpirma rin ng DMW na ligtas na at nakababa na sa barko ang 14 na Pinoy seafarer na nakaligtas sa pag-atake at makatatanggap din ang mga ito ng karampatang benepisyo at tulong mula sa pamahalaan.
Minamadali na rin ngayon ang pag-uwi ng mga nakaligtas na Filipino Seafarer sa pag-atake sa Strait of Hormuz.