Nakapagtala ang Lungsod ng Maynila ng 146 bagong kaso ng Leptospirosis ngayong September 4, dahilan para umabot sa 854 ang kabuuang kaso sa lungsod.
Batay sa datos ng Epidemiology and Disease Surveillance Information System (EDCIS-IS) hanggang alas-7:00 ng umaga, nakapagtala rin ng 56 bagong kaso ng dengue para sa kabuuang 2,676, habang 40 bagong kaso naman ng Influenza-Like Illness (ILI) ang naitala para sa kabuuang 1,322.
Siyam na bagong kaso naman ng Severe Acute Respiratory Infection (SARI) ang naitala, habang isang bagong kaso ng COVID-19 ang nadagdag.
Wala namang bagong kaso ng Typhoid Fever at Cholera.
Patuloy na pinapayuhan ang mga Manileño na panatilihin ang kalinisan, mag-ingat laban sa mga sakit, at agad kumonsulta sa health center kapag nakaranas ng sintomas.