Laya na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan mula sa kustodiya ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Ito’y makaraang matanggap na ng CIDG-National Capital Region ang release order mula sa Sandiganbayan matapos naman siyang i-abswelto at gawing testigo sa mga kasong plunder at graft kaugnay ng maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Ayon kay CIDG-NCR Chief, PCol. John Guiagui, 10:35 ng umaga ngayong Biyernes, Setyembre 4 nang makalabas ng PNP General Hospital sa Kampo Crame ang tatlong sasakyan kung saan lulan si Bonoan.
Sinasabing sinundo si Bonoan ng pamilya nito sa ospital at saka umalis ng Kampo Crame nang wala nang police escort, dahil sa wala naman na ito sa kustodiya ng PNP.
Sinabi pa ni Guiagui, na masaya si Bonoan sa kaniyang pag-alis sa PNP General Hospital dahil sa laya na siya.
Ipinaliwanag naman niya, na hindi agad nailabas kahapon si Bonoan dahil sa kinailangan nilang berepikahin kung mayroon pa itong outstanding warrant sa iba pang korte bago tuluyang palayain.
Matatandaan na base sa kautusan, inalis na si Bonoan bilang kapwa akusado ni Sen. Jinggoy Estrad sa kaso.