Nanawagan si Malolos Bishop Dennis Villarojo, chairperson ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Office for the Protection of Minors and Vulnerable Persons, sa mga religious leader na kilalanin at harapin ang mga pagkukulang ng Simbahan sa pagprotekta sa mga menor de edad at vulnerable persons.
Sa harap ng mahigit 230 religious superiors sa isang national convention, sinabi ni Villarojo na hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng safeguarding policies at procedures upang matiyak ang ligtas na komunidad.
Binigyang-diin niya na kahit isang kaso ng pang-aabuso ay hindi dapat balewalain at dapat maging responsibilidad ng buong Church community ang pag-iwas at pagtugon sa mga insidente.
Nagbabala rin si Villarojo na maaaring humarap sa hiwalay na imbestigasyon at matanggal sa tungkulin ang sinumang responsable sa pagtatakip o pagpapabaya sa abuse cases.
Tumutulong ang CBCP Protection Office sa mga diyosesis sa pagbuo ng mga mekanismo para maiwasan, imbestigahan, at tugunan ang mga kaso ng pang-aabuso.