Ikinabahala ng kampo ni dating Speaker Martin Romualdez ang desisyon ng Sandiganbayan na alisin sa plunder case si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan kaugnay ng umano’y flood control scam.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, legal counsel at kaniyang tagapagsalita, nakakagulat at nakababahala ang desisyon dahil bigla umanong naging posibleng state witness si Bonoan matapos maalis bilang akusado.
Giit ni Fajardo, mula nang simulan ang imbestigasyon laban kay Romualdez ay wala ni isang opisyal ng DPWH, kabilang si Bonoan, ang nagbigay ng pahayag na nag-uugnay sa dating Speaker sa anumang partikular na proyekto.
Aniya, wala ring alegasyon na nakialam si Romualdez sa pagpili ng contractor o sa resulta ng anumang DPWH project.
Dahil dito, sinabi ni Fajardo na nakakagulat na ngayon ay maaari nang tumestigo si Bonoan laban sa iba pang akusado, kabilang si Senator Jinggoy Estrada.
Dagdag niya, dahil hindi na akusado si Bonoan, para na rin umano itong nabigyan ng immunity.
“Going back from the very start to put everything in context po, nang magsimula itong reklamo ng special panel against Congressman Romualdez, wala pong anumang salaysay doon, wala po man lang kahit ni isang taga-DPWH, ni isang statement from Secretary Bonoan, kahit doon sa Blue Ribbon Committee, kahit doon sa Independent Commission for Infrastructure wala pong nag-uugnay kay Congressman Romualdez…kaya nakakagulat na si Secretary Bonoan all of a sudden is now available as a potential witness…suddenly, malaya na siya at granted ang immunity practically kasi hindi na siya akusado,” saad ni Fajardo.