Sinabi ni Senador Ping Lacson na malaking dahilan ng pagkaantala at hindi paggamit ng pondo ng Department of Health (DOH) ang mga legislative insertion sa pambansang budget.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance sa 2027 budget ng ahensya, sinabi ni Lacson na may mga proyektong isinasama ng mga mambabatas matapos maaprubahan ang National Expenditure Program (NEP) nang hindi muna kinokonsulta ang ahensya.
Aniya, katulad ito ng problema na nakita niya sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Giit ni Lacson, hindi dapat agad sisihin ang DOH dahil hindi naman kasama sa orihinal nitong plano at prayoridad ang mga proyektong isiningit sa budget.
Dagdag pa ng senador, dapat man lang kumonsulta muna ang mga mambabatas sa DOH bago magpasok ng proyekto para matiyak na kaya itong ipatupad ng ahensya.
Samantala, pinuto naman ni Senate President Sherwin Gatchalian na ilan sa mga Super Health Center ay tila naipasok lang sa budget, pero hindi naman napapatakbo nang maayos ng mga lokal na pamahalaan dahil sa gastos sa kuryente at gamot.
Ayon kay Lacson, institutional problem ang isyu at kailangan itong matugunan sa proseso ng pagbuo ng pambansang budget, partikular sa bicameral conference committee. | ulat ni Nimfa Asuncion