Walang nakitang koneksyon ang Commission on Audit (COA) kay Senador Joel Villanueva sa mga flood control project sa Bulacan na kasalukuyang isinailalim sa fraud audit.
Ito ang kinumpirma ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba matapos direktang itanong ni Villanueva sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2027 budget ng ahensya.
Ayon kay Cordoba, nakatuon ang fraud audit ng COA sa Department of Public Works and Highways (DPWH), na siyang implementing agency ng mga flood control project sa Bulacan.
Aniya, mga tauhan ng DPWH sa Bulacan ang nagpatupad ng mga proyekto dahil nakapaloob ang pondo sa budget ng ahensya.
Iginiit din ni Cordoba na hindi sangkot si Villanueva sa implementasyon ng mga proyekto at hindi siya natukoy ng COA kaugnay ng mga findings nito.
Sa ngayon, sinabi ng COA na halos 50 flood control projects na sa Bulacan ang kanilang nasuri.
May mga notice of disallowance na rin aniyang inilabas batay sa findings ng ilan sa mga audit.
Naipasa na rin ng COA sa Office of the Ombudsman ang ilang resulta ng kanilang fraud audit.
Ayon kay Cordoba, handa rin ang komisyon na magbigay ng kopya ng mga ulat sa Senado.