Photo courtesy of the Senate of the Philippines
Binatikos ni Senador Raffy Tulfo ang Department of Health (DOH) matapos lumitaw sa budget hearing na umaabot sa daan-daang milyong piso ang halaga ng mga gamot na nage-expire sa ahensya.
Sa pagdinig sa panukalang budget ng DOH para sa 2027, iginiit ni Tulfo na dapat managot ang mga opisyal na responsable sa pag-expire at pagsasayang ng mga gamot na sana ay napapakinabangan ng mga pasyente.
Ayon kay Senator Raffy, nakababahala na maraming health center ang kulang sa gamot at may mga Pilipinong hindi makakuha ng kinakailangang medisina, habang may malaking halaga naman ng gamot na nauuwi sa pagtatapon dahil nag-expire.
Sinabi ng senador na sa mga nakaraang budget hearing ay paulit-ulit niyang itinatanong sa DOH kung ano ang ginagawa sa mga expired na gamot.
May nakalap aniya siyang ebidensiya na nagpapakitang may mga expired medicines na sa halip na maibalik sa supplier ay itinatapon at ibinabaon sa Tala, Caloocan.
Kinuwestiyon din niya ang sistema ng procurement ng DOH at inilahad ang hinala na maaaring may mga gamot na binibili sa mga supplier dahil mas mura ang presyo kahit malapit na itong mag-expire.
Samantala, sinabi ni Health Secretary Edwin Mercado na mas mahigpit na ngayon ang DOH sa procurement at hindi na papayagang makapag-deliver ang mga supplier ng gamot na malapit nang mag-expire.
Ayon kay Mercado, dapat may 18 months shelf life ang mga gamot pagdating sa DOH.
Ang mga supplier na lalabag aniya dito ay maaaring ma-disqualify sa bidding.
Kabilang sa mga ipinatutupad na hakbang ng DOH ang pagpapalakas ng inventory system, pagdecentralize ng procurement at pagbuo ng investigating committee para matukoy ang mga problema sa procurement at pamamahagi ng gamot.