Hindi pa napag-uusapan nang pormal ng mga senador ang posibilidad na baguhin o ibaba ang 16-vote threshold para sa conviction ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial ayon kay Senator JV Ejercito.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na may ilang senador umanong nais kwestiyunin ang kasalukuyang voting threshold para sa conviction, lalo’t may mga senator-judge na hindi nakadalo sa paglilitis.
Ayon kay Ejercito, wala pa siyang nalalamang pormal na talakayan o caucus ng mga senador tungkol sa naturang usapin.
Aniya, maaaring napag-uusapan na ito ng ilang miyembro ng majority bloc pero hindi pa ito naiharap sa kanilang caucus.
Sinabi ni Ejercito na ang napagtuunan lang ng kanilang caucus ay ang scheduling ng mga gawain ng Senado, partikular ang pagsabay ng impeachment trial, plenary sessions at mga pagdinig sa panukalang 2027 national budget.
Hindi rin aniya niya masyadong sinusubaybayan ang usapin sa voting threshold dahil nakatuon ang kanyang atensyon sa budget deliberations.
Nang matanong kung kabilang siya sa mga senador na nais ibaba ang voting threshold, sinabi ni Ejercito na kailangan muna itong pag-isipang mabuti dahil maaari itong maging usaping legal.
Para sa senador, maaaring mas angkop na ang Korte Suprema ang magpasya kung may legal na katanungan tungkol sa tamang bilang ng boto na kailangan para sa conviction sa impeachment trial. | ulat ni Nimfa Asuncion