Photo courtesy of Department of Budget and Management
Aabot sa 25,000 Pilipinong nakikipaglaban sa cancer ang maaaring makatanggap ng hanggang P150,000 bawat isa na tulong mula sa pamahalaan sa susunod na taon, kasunod ng panukala ng Marcos Administration na maglaan ng pinakamalaking pondong P3.75 bilyon para sa Cancer Assistance Fund (CAF) sa ilalim ng Fiscal Year (FY) 2027 National Expenditure Program (NEP).
Mas mataas ito ng P2.25 bilyon, o 150 porsyento, kumpara sa P1.50 bilyon na inilaan sa ilalim ng FY 2026 General Appropriations Act (GAA). Katumbas ito ng dalawa at kalahating beses ng kasalukuyang pondo para sa CAF, bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na maibsan ang mabigat na gastusin ng mga pamilyang Pilipino para sa cancer treatment.
Kung ikukumpara sa P1.25 bilyong orihinal na panukalang pondo para sa programa sa ilalim ng FY 2026 NEP, mas mataas ng P2.50 bilyon, o 200 porsyento, ang panukalang P3.75 bilyong alokasyon para sa 2027.
Sa malaking dagdag na pondong ito, makapagbibigay ang CAF ng financial assistance na hanggang P150,000 bawat pasyente para sa 25,000 cancer patients na naka-enroll sa 36 designated cancer care access sites sa mga ospital na pinatatakbo ng Department of Health (DOH) at local government units (LGUs) sa buong bansa.
Sa 36 cancer care access sites, 23 ang matatagpuan sa Luzon, lima sa Visayas, at walo sa Mindanao. Sa pamamagitan nito, mas mapapalawak ang abot ng tulong ng gobyerno para sa mga pasyenteng nangangailangan ng screening, diagnosis, gamot, treatment, at patuloy na cancer care.
Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim Robert C. De Leon, ipinapakita ng makasaysayang pagtaas ng pondo na ang cancer ay hindi lamang isang seryosong hamon sa kalusugan, kundi isa rin sa pinakamabigat na gastusing maaaring pasanin ng isang pamilyang Pilipino, lalo na kung nangangailangan ang pasyente ng matagalang gamutan, diagnostic procedures, hospitalization, at patuloy na pangangalaga.
“This historic increase will enable more Filipinos battling cancer to receive timely screening, early diagnosis, life-saving treatment, essential medicines, and the financial assistance they need without forcing their families into deeper financial hardship,” pahayag ni Secretary De Leon sa FY 2027 NEP Presentation to the President.
Binigyang-diin din sa FY 2027 Budget Message ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mas malaking suporta para sa cancer patients, alinsunod sa layunin ng administrasyon na gawing mas accessible ang mahahalagang cancer services sa mas maraming Pilipino saan mang bahagi ng bansa.
“Available to 36 designated cancer care access sites in DOH-retained and LGU-operated hospitals nationwide, this funding will expand access to timely diagnosis and life-saving treatment for patients battling the country’s deadliest cancers, including breast, lung, colorectal, and liver cancer,” ayon sa Pangulo sa kanyang Budget Message para sa FY 2027.
Susuportahan ng CAF ang cancer prevention, screening, early detection, diagnosis, treatment, at iba pang care-related services, kabilang ang diagnostic at laboratory procedures na kinakailangan para sa cancer management. Maaaring makatanggap ng tulong ang mga qualified cancer patients, persons living with cancer, cancer survivors, at iba pang eligible beneficiaries.
Sa pamamagitan ng panukalang P3.75-bilyong CAF—ang pinakamalaking pagtaas ng pondo para sa programa—layunin ng Marcos administration na maging direktang lifeline ito para sa 25,000 Pilipinong nakikipaglaban sa cancer, upang makatulong na matiyak na hindi magiging hadlang ang gastos sa pagpapagamot sa pagkuha ng pangangalagang kailangan ng bawat pasyente. | Press Release from the Department of Budget and Management