Binigyang-diin ng Department of Migrant Workers (DMW) na umiiral pa rin ang regulasyon patungkol sa “right to refuse to sail” sa mga marino lalo na kung daraan ang kanilang mga sasakyang barko sa mga delikadong ruta tulad ng Strait of Hormuz.
Sa panayam ng programang BOSES, sinabi ni DMW Undersecretary Bernard Olalia, na mahigpit nang ipinatutupad ito ng bansa upang matiyak na magiging ligtas ang mga Pilipinong manlalayag.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DMW sa licensed manning agencies na kung maaari ay maasistehan ang mga manlalayag na tatangging sumampa ng barko at maibaba ito ng maayos.
Hindi rin hahayaan ng pamahalaan ang ano mang uri ng retaliatory actions o pamimilit sa mga Filipino seafarer na tatangging sumampa sa barkong maglalayag sa war-like areas tulad ng Red Sea at Strait of Hormuz.
Dagdag pa ng opisyal, na partikular na mahigpit ang pagbabantay at pagpapatupad ng mga regulasyon ng pamahalaan sa Black Sea dahil ipinag-utos na ng DMW ang pagbabawal na maglayag partikular sa North Black Sea.