Nais ng Philippine National Police na mapalakas pa ang pagpapatupad ng SIM Card Registration Act para mas epektibong matugunan ang cybercrime.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., handa silang makipagtulungan sa mga mambabatas at stakeholder sa pagsusuri sa batas.
Inatasan na rin niya ang legal team ng PNP na magbigay ng rekomendasyon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nauna nang nagpahayag ng pangamba ang PNP Anti-Cybercrime Group hinggil sa bisa ng batas at binanggit na may ilang butas dito na kailangang matugunan.
Habang pinag-aaralan ang mga pagbabago, ipagpapatuloy naman ng PNP ang operasyon laban sa ilegal na pagbebenta ng SIM card at sa paggamit ng mga hindi rehistradong SIM sa mga krimen.